PNPA INSTRUCTOR NA NANGMOLESTIYA NG KADETE SIBAK
SINIBAK ng National Police Commission ang isang police major na instructor sa Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite, makaraang mapatunayang guilty sa kasong Grave Misconduct and Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Nag-ugat ang kaso ng hindi pinangalanang police major sa reklamo ng isang kadete na kanya umanong ginawan ng kahalayan sa officer’s quarters noong July 31.
Lumalabas sa imbestigasyon na natagpuan ng mga rumespondeng officer na pagod at takot ang kadete nang dumating sila sa officer’s quarter.
Sa desisyon ng NAPOLCOM, sinabing inabuso ng instructor ang kadete gamit ang kanyang awtoridad at ito ay paglabag sa Article 336 of the Revised Penal Code (Acts of Lasciviousness).
“The NAPOLCOM will never condone any act of sexual misconduct by anyone in the police force, regardless of rank,” ayon kay NAPOLCOM chief Commissioner Rafael Vicente Calinisan.
Sinabi pa ni Calinisan na kanilang kinokondena ang ginawang kahalayan ng police major at dapat parusahan.