18,692 STUDES NG PLM, UdM TATANGGAP NG P2K BAWAT ISA
MAY kabuuang 18,692 college students mula sa dalawang city-run universities sa Maynila ang makatatanggap ng P2,000 bawat isa na kumakatawan sa dalawang buwan na monetary assistance mula sa local government.
Nabatid na ang halaga ay para sa P1,000 monthly financial assistance na ibinibigay ng lungsod sa mga university student na sakop ang buwan ng November at December 2024.
“Ang maliit na tulong na ito ay isang patunay ng ating buong suporta sa ating mga mag-aaral para makatulong at makapagtapos sila sa kolehiyo,” sabi ni Maniala Mayor Honey Lacuna.
Sa kabuuang bilang ng mga estudyanteng benepisyaryo ng nasabing monetary assistance, sinabi ni Lacuna na 8,200 ay mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na maaari nang kunin ang pera sa pamamagitan ng kanilang debit card accounts.
Sinabi ni Universidad de Manila President Dr. Felma Carlos-Tria na ang UdM, na may 10,492 estudyante ay tatanggap na ng kanilang monthly financial assistance mula sa lungsod dahil inaayos na ang proseso ng payout nito.
Aniya,
‘di katulad sa PLM na ang allowance ay downloaded, ang sa mga estudyante ng UdM ay ipinalalabas sa pamamagitan ng payouts, kung saan ang petsa ay ini-schedule.
Sinabi ni Lacuna na inaayos na ng kanyang administrasyon ang pagkakaroon ng debit cards ng mga estudyante ng UdM “for security reasons and for financial inclusion purposes consistent with policies of the Bangko Sentral ng Pilipinas.”
Ang probisyon para sa buwanang allowances ng mga college student ay bahagi ng social amelioration program (SAP) na nilikha at ipinasa noong si Lacuna pa ang presiding officer Manila City Council, isang posisyon na kanyang hinawakan noong siya pa ang vice mayor.