Nation

DEDPED-NEU MAY FINANCIAL SUPPORT SA MGA MIYEMBRO NA TINAMAAN NG COVID19

/ 27 September 2020

MAGBIBIGAY ng tulong pinansiyal ang grupo ng mga non-teaching personnel sa kanilang mga myembro na nahawaan ng Covid19, gayundin sa mga namatay sa naturang sakit.

Ayon kay Atty. Domingo Alidon, national president ng Department of Education-National Employees’ Union (DepEd-NEU), makatatanggap

ng ayuda mula sa unyon ang mga miyembro na nagpositibo sa virus kahit ‘yung mga kinokonsidera lamang na  suspected and probable cases.

Subalit nilinaw ni Alidon na tanging mga miyembro lamang na nakapag-ambag ng kanilang union dues at mutual aid ang makatatanggap ng nasabing ayudang pinansyal sapagkat doon umano kukunin ang pundo na gagamitin para rito.

Bawat pasyente —confirmed man o suspected o probable cases—ay makatatanggap ng P3,000 bilang financial assistance, habang yaong pamilya o kamag-anak ng namatay na miyembro  ng unyon ay makatatanggap ng P5,000 bilang burial assistance o death benefits, ayon kay Alidon.

“Evidence-based po tayo, ipadala lamang ang kanilang pay slip bilang katunayan na sila ay nakapag-ambag na sa ating mutual aid, medical certificate kung sila ay infected ng Covid19 at death certificate naman sa mga yumaong myembro ng unyon,” sabi ni Alidon.

“Ito ay ating tugon sa mga paghihirap, lahat naman tayo apektado ng pandemyang ito . . . at least makatutulong tayo sa mga myembro kahit papaano,” dagdag pa niya.

Nanawagan  din si Alidon sa ibang myembro ng unyon na wala pang deduction na pakiusapan ang mga opisyal ng unyon na ipatupad ang automatic payroll deduction system o APDS ng national employees’ union.

“Ang ating apela sa mga divisions o regions ay isakatuparan na ang ating automartic payroll deduction system sa ating union dues and mutual aid,” pagtatapos ni Alidon.