Overtime

UAAP: LADY SPIKERS NANATILING WALANG DUNGIS

8 March 2026

WINALIS ng De La Salle University Lady Spikers ang University of the East Lady Warriors, 25-15, 25-20, 25-19, upang manatiling walang bahid sa UAAP Season 88 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Malaking tulong sa panalo ng La Salle ang pagbabalik ni Shevana Laput, na agad nagpakitang-gilas matapos ang dalawang larong pagkawala. Nagtapos siya na may siyam na puntos mula sa walong attacks at isang block, habang umangat sa 5-0 kartada ang Lady Spikers.

Pinangunahan naman ni Angel Canino ang opensa ng La Salle matapos kumamada ng 12 puntos, kalakip ang walong excellent digs at anim na excellent receptions. Nag-ambag din si Kathrina Del Castillo ng 10 puntos.

Mula pa lamang sa unang set ay kontrolado na ng La Salle ang laban, gamit ang lalim ng kanilang lineup at matatag na depensa upang pigilan ang UE sa kabuuan ng straight sets na panalo.

“Pinaalalahanan lang ang team na respeto lang sa kalaban, kaya medyo hindi naging maganda ‘yung outcome, although nanalo. Unang-una, ang dami naming errors, especially services. Kailangan pang magtrabaho,” ani La Salle assistant coach Noel Orcullo.

Pinangunahan ni Khy Cepada ang UE sa naitalang 14 puntos habang nagdagdag si Bea Zamudio ng siyam, ngunit nanatiling walang panalo ang Lady Warriors matapos ang anim na laro.

Samantala, ginulantang ng Adamson University Lady Falcons ang University of Santo Tomas Golden Tigresses, 27-25, 25-22, 25-12.

Pinagbidahan nina Shaina Nitura at Frances Mordi ang Lady Falcons na umangat sa 3-2 kartada, kapantay ng Far Eastern University Lady Tamaraws sa ikaapat na puwesto ng standings.

Nanguna si Nitura sa Adamson matapos kumamada ng 22 puntos mula sa 19 attacks at tatlong blocks. Nagposte naman si Mordi ng double-double na 20 puntos at 10 excellent receptions upang tulungan ang Lady Falcons na makuha ang panalo.

Pinangunahan ni Regina Jurado ang UST sa naitalang 18 puntos, habang nagdagdag si rookie Avril Bron ng 10. Nahirapan naman si Angeline Poyos na nakapagtala lamang ng limang puntos habang bumaba sa 2-3 kartada ang Golden Tigresses.