SOLONG LIDERATO TINUHOG NG LADY KNIGHTS
NAKOPO ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang solong liderato sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kasunod ng 25-21, 25-20, 25-18 pagwalis sa Emilio Aguinaldo College Lady Generals kahapon sa FilOil EcoOil Center in San Juan.
Kumamada si Gia Maquilang ng 14 puntos, lahat ay nagmula sa attacks, upang mahirang na Player of the Game para sa Lady Knights, na umakyat sa 10-2 kartada.
Ayon kay Maquilang, patuloy pa rin ang mindset ng Lady Knights na manatiling handa sa lahat ng pagkakataon sakaling tapikin sila ni head coach Oliver Almadro na lumaro.
“We will just continue to be prepared because our goal is to always stay ready for any match and situation,” pahayag ni Maquilang matapos ang laro.
“Like what coach Oliver said, it is important for the team to stay in the course to achieve our ultimate goal this season, which is championship,” dagdag pa niya.
Nalaglag naman ang Lady Generals sa 3-9 marka matapos ang pagkatalo.
Sa men’s division, bumalik sa pagpapanalo ang Colegio de San Juan de Letran Knights matapos na pataubin ang EAC Generals, 27-25, 19-25, 25-22, 25-13.
Nanguna si Bem Bautista na may 19puntos, mula sa 16 na atake, dalawang blocks, at isang service ace, para sa Letran, na umangat sa 7-5. Laglag ang EAC sa 3-9.