RED-HOT LADY BLAZERS PINASO ANG LADY BOMBERS SA NCAA VOLLEY
PINATATAG ng College of St. Benilde Lady Blazers ang kanilang kampanya sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament matapos walisin ang Jose Rizal University Lady Bombers, 25-8, 25-22, 25-15, kahapon sa San Andres Sports Complex.
Pinangunahan ni Clydel Catarig ang balanseng opensiba ng Benilde matapos kumamada ng 16 puntos mula sa 15 attacks at isang ace upang hiranging Player of the Game, habang umangat ang Lady Blazers sa 9-3 kartada sa Group A.
Agad na nagpakita ng lakas ang Lady Blazers sa unang set matapos limitahan sa walong puntos lamang ang Lady Bombers.
Nakatugon man ang Lady Bombers sa ikalawang set, hindi pa rin nila napigilan ang Lady Blazers na makumpleto ang straight-set na panalo.
Dahil sa pagkatalo, bumagsak ang JRU sa 2-11.
Samantala, nanaig ang Lyceum of the Philippines Lady Pirates (4-9) laban sa Emilio Aguinaldo College Lady Generals (0-12), 25-21, 14-25, 19-25, 25-20, 15-12, sa aksiyon sa Group B.
Pinangunahan ni Stacey Lopez ang Lady Pirates matapos magposte ng 20 puntos mula sa 19 attacks at isang ace upang tanghaling Player of the Game.