Overtime

BUENA MANONG PANALO SA DLSU, U.P. SA UAAP WOMEN’S VOLLEYBALL

15 February 2026

MAINIT na sinimulan ng De La Salle University Lady Spikers ang kanilang kampanya sa UAAP Season 88 women’s volleyball matapos na walisin ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-19, 25-14, 27-25, kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pinangunahan ni Shevana Laput ang Lady Spikers sa kinamadang 23 puntos mula sa 20 attacks, dalawang blocks at isang service ace.

Nag-ambag si Angel Canino ng 15 puntos, kabilang ang 13 attacks, habang naging matatag sa depensa si middle blocker Amie Provido na nagtala ng 11 puntos, tampok ang anim na blocks.
Matapos kontrolin ang unang dalawang sets, hinarap ng Lady Spikers ang mas matinding hamon sa ikatlong yugto nang magbanta ang Lady Tamaraws na pahabain ang laban at umabante pa sa 24-22.
Nanatiling kalmado ang La Salle at naitulak ang set sa deuce bago tuluyang tinapos ni Laput ang paghahabol ng FEU sa pamamagitan ng magkasunod na puntos sa dulo ng laban.

Si Gerzel Petallo ang nag-iisang umiskor ng double digits para sa FEU sa kanyang 11 puntos, habang nagdagdag si Clarisse Loresco ng pito.
Sa unang laro, napigilan ng University of the Philippines Fighting Maroons ang tangkang pagbangon ng University of the East Lady Warriors upang maitakas ang 25-12, 25-9, 21-25, 25-19 panalo.
Pinangunahan nina Irah Jaboneta at Niña Ytang ang opensiba ng UP matapos kumamada ng tig-14 puntos, habang nag-ambag sina Kianne Olango at Casiey Dongallo ng tig-13 puntos para sa Fighting Maroons.
Maagang ipinamalas ng UP ang kanilang lakas matapos dominahin ang unang dalawang sets sa pamamagitan ng balanseng opensa at matatag na depensa na naglagay sa UE sa alanganin.
Matapos na maagaw ng Lady Warriors ang ikatlong set, agad namang bumawi ang UP sa pamamagitan nina Jaboneta, Olango, at Jelai Gajero dulo upang tuluyang pigilan ang momentum ng UE at maselyuhan ang panalo sa loob ng apat na set.
Nanguna si Nessa Bangayan sa Lady Warriors sa naitalang 19 puntos, habang nag-ambag sina Beatrice Zamudio at IC Cepada ng 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.