Region

PUBLIC SCHOOL STUDENTS SA BACOOR, CAVITE TATANGGAP NG LIBRENG TABLETS

/ 14 October 2020

BILANG tugon sa blended learning ay mamamahagi ang pamahalaang lokal ng Bacoor, Cavite ng tablets sa lahat ng Grade 10 hanggang Grade 12 students sa mga pampublikong paaralan.

“Magandang balita, mamamahagi tayo sa mga kabataang Bacooreño na nag-aaral sa mga public school, grades 10-12, ng tablets para kanilang magamit sa kanilang pag-aaral,” sabi ni Bacoor City Mayor Lani Mercado.

Ayon kay Mercado, nai-turn over na ang mga tablet sa Department of Education Bacoor at tinanggap na ng school heads.

Para sa mga estudyante ng Bacoor, maaaring kontakin ng mga ito ang kanilang mga guro upang malaman ang sistema ng pamamahagi ng tablets.

Gayunman ay wala pang itinatakdang petsa ng pamamahagi ng mga tablet.

Nauna na ring namahagi ang pamahalaang lungsod ng mga Personal Protective Equipment sa  mga guro ng Bacoor.

Dagdag pa ni Mercado, gagawin ng lokal na pamahalaan ang lahat upang makatulong sa pag-aaral ng mga estudyante.

“Sa abot ng ating makakaya, pinakilos natin ang makinarya ng ating lokal na pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng ating mga kabataan sa kanilang pag-aaral.”