WORK-FROM-HOME SA MGA GURO INIHIRT SA GITNA NG TIGIL-PASADA
NANAWAGAN ang Teachers’ Dignity Coalition sa pamunuan ng Department of Education na agad ideklara ang paggamit ng work-from-home scheme para sa mga guro na nakatira o nagtuturo sa mga lokalidad na maaaring maapektuhan ng nakaambang malawakang tigil-pasada sa susunod na linggo.
NANAWAGAN ang Teachers’ Dignity Coalition sa pamunuan ng Department of Education na agad ideklara ang paggamit ng work-from-home scheme para sa mga guro na nakatira o nagtuturo sa mga lokalidad na maaaring maapektuhan ng nakaambang malawakang tigil-pasada sa susunod na linggo.
Ito’y bilang tugon ng grupo sa nauna nang pahayag ng DepEd na walang iaanunsiyong class suspension sa mga pampublikong paaralan kaugnay sa nakaambang tigil-pasada bagaman gagamitin ang alternative delivery modes.
“Kung sakaling gagamitin ang distance learning modality sa pag-aaral ng mga batang maaapektuhan ng strike, dapat ay ganito rin ang pagtrato sa mga guro. Dapat maging malinaw na ang mga guro ay manatili rin sa kani-kanilang mga tahanan at gamitin ang work-from-home scheme sa pagtuturo sapagkat umaasa rin ang mga guro sa pampublikong transportasyon,” pahayag ni Benjo Basas, guro sa Caloocan City at siya ring national chairperson ng nasabing grupo.
Kabilang sa tinutukoy ng DepEd na alternative delivery modes ay ang modular at online classes na siya ring ginamit na paraan ng pagtuturo noong kasagsagan ng pandemya mula Marso 2020 hanggang Hulyo 2022.
Ayon kay Basas, ito ang nakahandang alternatibo sakaling hindi uubra ang face-to-face classes. Gayunman, dapat din aniyang maging malinaw na pati sa mga guro ay aplikable ang nasabing iskema.
“Kung ang mga bata ay distance learning, dapat ang mga guro ay distance teaching din. Lalo pa nga at kadalasan naman ay asynchronous ang paraan kung modular at hindi naman accessible sa maraming mga paaralan ang internet at computer kung online,” dagdag ni Basas.
Ipinahayag ng grupo ang paghingi ng paglilinaw dahil sa naunang pahayag ng DepEd ay walang binanggit kung ang mga guro ba ay pisikal na papasok pa rin sa mga paaralan o hindi na.
Nababahala umano sila na kung walang malinaw na anunsiyo mula sa DepEd Central Office ay magkakaroon na naman ng kalituhan at iba’t ibang interpretasyon sa field offices at mga lokalidad.
“Naranasan na namin ito noong mga nakaraan na iba-iba ang ipinatupad sa mga paaralan bagamat ang default scheme naman daw ay work-from-home, kaya sana maagang makapag-anunsiyo ang DepEd para maiwasan ang kalituhan,” ani Basas.
Sa kasalukuyan ay marami nang mga lokal na pamahalaan at mga paaralan ang nagdekla ng suspensiyon ng face- to-face classes sa kani-kanilang mga lugar kabilang na ang Caloocan City.
Ayon pa rin kay Basas, maagap naman ang DepEd Caloocan sa paglalabas ng memorandum kung saan sinasabing maaaring mag-work from home ang mga guro sa nasabing lungsod.
“Ang hinihintay namin ngayon ay anunsiyo mula sa DepEd Central o regional offices para maging klaro ito,” dagdag ni Basas.