TATLONG NATIONAL HS IPINATATAYO SA BUKIDNON
TATLONG panukala ang isinusulong ni Bukidnon 3rd District Rep. Manuel Zubiri para sa pagtatayo ng tatlong dagdag na national high school sa kanilang lalawigan.
Inihain ni Zubiri ang House Bills 6600, 6601 at 6602 para sa pagtatayo ng national high school sa mga munisipalidad ng Maramag, Kadingilan at Kibawe.
Ang mga nais ng kongresista na ipatayo ay ang Base Camp National High School sa Barangay Base Camp, Maramag; Poblacion National High School sa Barangay Poblacion sa Kadingilan; at isa pang national high school sa Barangay Poblacion, Kibawe.
Ipinaliwanag ni Zubiri na sa kasalukuyan ay walang national high school sa nabanggit na mga lugar at ang mga estudyante ay napipilitang pumasok sa mga pribadong paaralan o sa pampublikong paaralan sa ibang munisipalidad.
“While others can afford to do this, it is safe to say that it is not easy for them financially,” pahayag ni Zubiri sa kanyang explanatory note.
Dahil dito, ang mga bata mula sa mahihirap na pamilya ay napipilitan na lamang ding hindi magpatuloy ng pag-aaral.
Binigyang-diin ng kongresista na malaki ang maitutulong ng pagtatayo ng naturang mga paaralan upang mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga mahihirap na estudyante.