Nation

SOLON: WALANG DAPAT BUMAGSAK NA ESTUDYANTE

/ 31 July 2020

HINIMOK ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang Department of Education na bumalangkas ng mga hakbangin upang matiyak na walang estudyanteng babagsak sa pagpapatupad ng mga bagong pamamaraan ng pag-aaral ngayong umiiral ang Covid19 pandemic.

Sinabi ni Go na hindi dapat i-pressure ang mga estudyante at obligahing sumunod sa bawat sistema, partikular sa pinaplanong magkaroon ng face-to-face classes sa susunod na taon.

“No pressure, ‘wag nating ipasa ang burden sa bata. Sana walang bagsak ngayong school year. Bigyan natin sila ng palugit, konsiderasyon para hindi sila ma-pressure,” pahayag ni Go.

“Ang importante ay nandiyan ang knowledge at makapag-aral ang mga bata para tuloy-tuloy ang kanilang kaalaman. We have to balance everything,” dagdag pa ng senador.

Muling nanindigan ang senador na dapat unahin ang kaligtasan ng mga bata sa pagbalangkas ng mga bagong hakbangin para sa pag-aaral.

“Walang magulang na papayag pag-aralin ang kanilang anak na alam naman nilang magkakahawahan. Huwag na nating hintayin na may mahawa. Bakit pa tayo magmamadali kung puwede namang ipagpaliban ito. Siguraduhin muna natin ang kaligtasan ng bata,” mariing pahayag ng senador.