SOLON SA DEPED: SAPAT NA TULONG, HINDI HAMON AT KESO, ANG IBIGAY SA GURO NA NASALANTA NG BAGYO
HINIMOK ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education na tiyakin ang sapat na tulong sa mga guro, school personnel at mga estudyante na tinamaan ng mga kalamidad.
Muli ring iginiit ng kongresista sa Duterte administration na ayusin ang maling prayoridad sa paglalatag ng 2021 national budget.
“Kung may badyet para sa keso at hamon na nagkakahalagang P4.2 million para sa Christmas celebration ng DepEd Central, dapat mayroon din silang sapat na pondo para sa agarang tulong para sa pagbangon ng mga guro, school personnel at mag-aaral na nasalanta ng mga nagdaang bagyo,” pahayag ni Castro.
“Maraming pondo ang gobyerno na pwedeng pagkunan para sa edukasyon, sapat na disaster response, health at iba pa. P19 bilyon mula sa NTF-ELCAC, P4.5 bilyon para sa confidential at intelligence fund ng Office of the President at pondo ng mga ahensya tulad ng para sa ham and cheese Christmas celebration ng DepEd Central,” dagdag pa ng teacher solon.
Iginiit ng mambabatas na sa dami ng mga guro, education support personnel at mga estudyanteng biktima ng mga kalamidad, dapat kumilos ang DepEd at buhusan ng ayuda ang mga lugar na labis na nasalanta ng mga bagyo.
“The Department of Education must be proactive in providing aid for teachers, education personnel who have been greatly affected by the storms. The DepEd must also ensure that they help the divisions repair and replace damaged learning materials so that education will still be able to continue. We must not let the Duterte administration leave these schools from the hardest hit areas to fend for themselves,” giit pa ni Castro.
Binigyang-diin din ng kongresista na malaki rin ang problema sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng Covid19 pandemic at mga kalamidad kaya dapat tiyakin na ang 2021 budget ay nakatutok sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon.