Nation

SIGNAL AT CONNECTIVITY HAMON PA RIN SA MGA PAARALAN SA ISABELA

/ 10 September 2020

INAMIN ni Luna, Isabela Mayor Jaime Atayde na nananatiling hamon sa mga paaralan, pribado man o pampubliko, ang katatagan ng connectivity at signal kapag umarangkada na ang klase sa Oktubre 5.

Sa isang webinar na isinagawa ng Department of Education para sa mga local government unit na may temang “Learning Continuity Plan”, sinabi ni Atayde na tinutukan din niya ang mga paghahanda ng mga paaralan sa kaniyang nasasakupan.

Sinabi niya na kasama sa paghahanda ang mock online class, gayundin ang virtual meetings ng mga guro.

Layunin ng mga hakbang na matukoy ang katatagan ng signal at internet conmections.

Kasama rin sa paghahanda ang aktuwal  na paggamit ng module kung gaano kahabang oras na ia-apply sakaling aktuwal  na ang pagtuturo.

Kabilang din sa mga naging pag-uusap sa virtual meeting ang pag-access ng mga estudyante sa socmed platform na kanilang gagamitin.

Umaasa naman si Atayde na agad nilang matutukoy ang posibleng problema sa E-Learning para agad na maremedyohan.

Sa ngayon ay tanging signal at connectivity ang nakikitang hamon sa paparating na blended learning sa susunod na buwan.