Nation

RECRUITMENT SA MGA ESTUDYANTE PARA MAGING KOMUNISTA TULOY-TULOY  — EX NPA MEMBERS

/ 25 November 2020

PINATOTOHANAN ng mga dating miyembro ng New People’s Army ang mga pahayag ng security forces kaugnay sa recruitment ng ilang party-list groups para sa komunistang grupo.

Sa ikalawang pagdinig ng Senate Committee on National Defense, humarap na ang mga miyembro ng Makabayan Bloc at itinangging mga miyembro sila ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.

Gayunman, walong dating miyembro ng NPA na na-recruit mula sa pagiging student leader ang humarap sa Senado at isinalaysay kung paano sila napabilang sa rebeldeng grupo.

Tinukoy ng walo ang Kabataan Partylist Group, Bagong Alyansang Makabayan at iba pang grupo na naging instrumento umano sa paghikayat sa kanila na sumanib sa kilusan.

Binigyang-diin ni Jeffrey Celiz, dating rebelde na na-recruit mula sa College Editors Guild of the Philippines, Anakbayan at Bagong Alyansang Makabayan, na maaaring sabihin ng mga kongresista na hindi sila miyembro ng CPP-NPA subalit sila ay mga bahagi ng organisasyon.

Ipinaliwanag ni Celiz ang strategic political line ng rebelde na “Agawin ang kapangyarihang pampolitika sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, katuwang ang mahigpit na suporta ng legal at demokratikong kilusang kalunsuran upang pabagsakin ang gobyerno”.

Sinabi ni Celiz na ang mga partylist groups ay bahagi ng legal at democratic fronts ng communist group.

Inamin naman ng isa pang dating rebelde na si Ivy Lyn Corpin, dating estudyante sa Polytechnic University of the Philippines, na na-recruit siya ng kilusan mula sa Kabataan Partylist at nagpapatuloy ang recruitment nito.

Iniharap ni Corpin ang larawan ng mga dating estudyante na napabilang sa youth organization at naging miyembro na ng CPP-NPA.

“Ang lahat ng ito ay nagpapatunay na tuloy-tuloy ang recruitment sa mga kabataan, guro, manggagawa hindi lang po ito red-tagging. Ito ay panahon ng aming redemption. Sino ba ang takot mamatay, lahat tayo natatakot mamatay. Sino ang nakaranas ng pagod at gutom? Kami po na mga dating rebelde na nagbalik loob ngayon,” pahayag ni Corpin.

Humarap din ang iba pang mga dating NPA na sina Joy James Saguino, dating student leader ng Akbayan at Kabataan Partylist; Noel Legaspi, dating organizer ng League of Filipino Students at Bagong Alyansang Makabayan; Lolit de Jesus; Christian Sabado; dating BS Accountancy student sa PUP at Lady Desiree Miranda, dating youth organizer.

Naniniwala naman si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na mahirap pasinungalingan ang mga pahayag at dokumento ng mga dating rebelde.

“It’s very difficult to dispute the statements and documents presented by the former rebels. I gave former Congressman Teddy Casino to answer the allegation vs Joma Sison and the legal fronts but instead he said its the recruitment ground of the CPP/NPA. Therefore it’s correct to warn the youth in joining such groups,” diin ni Sotto.