PAGTATALAGA NG LICENSED DOCTOR, NURSE SA BAWAT ISKUL ISINUSULONG
PARA matiyak na mapangangalagaan ang kalusugan ng mga guro at estudyante, ipinanukala sa Mababang Kapalungunan ng Kongreso ang pagtatalaga ng isang doktor at isang nurse sa bawat public elementary at high school.
Ang House Bill 6837 o ang proposed Doctors and Nurses in Schools Act ay inihain nina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas, Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago; at Bayan Muna Partylist Reps. Carlos Isagani Zarate, Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite.
Ipinaliwanag ng mga kongresista na maraming lugar sa bansa, partikular sa mga rural area, ang mas kaunti pa ang mga pagamutan o klinika kumpara sa mga paaralan.
“Public schools, therefore, have the potential of being the place where children can be provided with preventive, curative, and supportive health interventions,” pahayag ng mga mambabatas sa kanilang explanatory note.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na ang pagtatalaga ng licensed doctor at nurse sa bawat public school ay isang pagsunod sa rekomendasyon ng World Health Organization na gawin ang bawat paaralan na entry point para sa health promotion at health intervention.
Sa pamamagitan din nito, naniniwala ang mga kongresista na mababawasan ang trabaho ng mga guro na kadalasang nagsisilbi ring teacher-nurses sa mga paaralan.