PAGPAPADALA NG OJT SA IBANG BANSA IPAGBAWAL — SOLON
ISUSULONG sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipagbawal na sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad ang opsyon sa pagpapadala ng mga estudyante sa ibang bansa o malalayong lugar para sa internship o on-the-job training program ng kanilang mga kurso bilang requirement para maka-graduate.
Nakatakdang maghain ng panukala sina ACT-CIS Reps. Erwin Tulfo, Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Cong. Ralph Tulfo para maiwasan ang malaking gastusin ng magulang ng mga estudyante lalo na yaong galing sa mahihirap na pamilya.
“Marami na akong naririnig na mga magulang nagsasanla ng kanilang mga ari-arian mapadala lang ang anak nila sa abroad o malayong lugar para ma-fulfill daw yung internship o OJT requirement ng course,” pahayag ni Tulfo.
“‘Yung iba nangungutang kung saan-saan para lang masunod ang sinasabing requirement ng course,” dagdag pa ng kongresista.
“Voluntary naman ang pagpunta sa abroad o malayong lugar para sa internship pero kadalasan ang mga bata ang nagsasabi sa magulang lalo na yung mga nasa probinsya na para bang requirement na mag-OJT sa ibang lugar,” paliwanag ni Tulfo.
Pero paglilinaw ng mambabatas, dapat alisin na ng mga school ang opsyon na mag-OJT ang bata sa abroad o malalayong lugar lalo pa’t kung ito ay isang state college o university.
“Kaya nga diyan sa government school nag-aral yung bata para makatipid tapos mag-o-offer ang school ng OJT sa abroad o malayong lugar, it defeats the purpose di ba?” ayon sa mambabatas.
“Nasa estudyante ‘yun at hindi sa school o kung saan sya nag-intern makikita ang galing ng bata,” dagdag pa ni Tulfo.