P3-B SA SUCs, P1-B SA TESDA SCHOLARSHIP PROGRAM PASOK SA ‘BAYANIHAN 2’
LUSOT na sa Senado ang panukalang Bayanihan to Recover as One Act, o ang ‘Bayanihan 2’ para sa pagpapatuloy ng mga programa ng pamahalaan laban sa Covid19 pandemic.
Sa botong 22-1, inaprubahan sa 3rd at final reading ang panukala na popondohan ng P140 bilyon para sa lahat ng programa.
Kabilang sa prayoridad sa panukala ang sektor ng edukasyon kung saan inilaan ang P3 bilyon bilang ayuda sa state universities and colleges, partikular para sa development ng smart campuses sa pamamagitan ng investment sa Information and Communication Technology infrastructure at pagbili ng learning management systems.
Sa ilalim din ng panukala, maglalaan ng P1 bilyon para sa karagdagang scholarship fund sa Technical Education and Skills Development Authority para sa ‘training for work’ at special training for employment program na sasaklaw sa mga overseas Filipino worker na nawalan ng trabaho.
Kasama rin sa inaprubahang panukala ng P17 bilyon na pondo para sa unemployment o involuntary separation assistance for displaced workers, kabilang na rito ang mga empleyado ng private basic and higher education institutions at part-time faculty sa SUCs.
Nakapaloob din sa panukala ang probisyon para sa loan assistance, subsidies, discounts at grants sa mga paaralan, unibersidad, kolehiyo at technical at vocational institutions.
Magpapatupad din ng loan program para sa mga guro at estudyante para sa pagbili ng learning tools ‘tulad ng computers, laptops, tablets at iba pang ICT devices na kailangan sa distance learning.
Naniniwala ang pangunahing author at sponsor ng panukala na si Sen. Sonny Angara na sa pamamagitan ng ‘Bayanihan 2’ ay magkakaroon ng sapat na pondo ang gobyerno para sa pagsusulong ng programa para labanan ang Covid19.
Sinabi naman ni Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education Chairman Joel Villanueva na ang ‘Bayanihan 2’ ang magsisilbing armas para protektahan ang trabaho at panatilihing bukas ang pintuan ng mga paaralan.
“Kapag trabaho at edukasyon na ang naging biktima ng pandemya, hindi lang po mahihirapang huminga ang ating ekonomiya, baka maghingalo rin ang pangarap at pag-asang kinakapitan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Villanueva.