Nation

NAIS MAG-ARAL SA JAPAN? MAG-APPLY NA SA MEXT SCHOLARSHIP PROGRAM

/ 5 January 2021

INANUNSYO kamakailan ng Japan Information and Culture Center ng Embahada ng Japan ang pagbubukas ng Japanese Government MEXT Scholarship Program 2021.

Dalawang kategorya ang sakop ng MEXT na eksklusibong laan sa mga mamamayang Filipino na may  pagnanais mag-aral sa Japan.

Para sa Teacher Training category, ang mga aplikante ay kinakailangang may edad na hindi lalagpas sa 35 at nagtapos ng anumang kursong may kinalaman sa pagtuturo.

Dapat din na mayroong solidong limang taong karanasan sa pagtuturo sa elementarya, sekundarya, o kolehiyo. Gayunpaman, ang mga may teaching load para sa akademikong taon 2021-2022 ay hindi ikokonsidera sa MEXT.

Para sa Japanese Studies category, ang mga aplikante ay dapat na nasa pagitan ng 18 at 30 taong gulang at kasalukuyang naka-enroll sa anumang kursong di-gradwado major sa Japanese Language o Japanese Culture.

Sa Pebrero 5 ang dedlayn ng pagsusumite ng mga aplikasyon. Iimprenta ang mga ipapasang dokumento na ipadadala via courier —  LBC, GrabExpress, Lalamove, at iba pa.

Ang mga aplikanteng papasa sa unang screening ay iiskedyul  para kumuha ng written examination na gaganapin sa Embahada ng Japan.

Matapos ng pagsusulit ay sasalang naman sila sa online o face-to-face interview.

Parehong ang Teacher Training at Japanese Studies students ay inaasahang lilipad papuntang Japan sa Oktubre 2021.

Aralin ang buong flowchart at listahan ng mga kahingian sa website na ito: https://www.ph.emb- japan.go.jp/itpr_en/00_000193.html.