LIMITED F2F CLASSES IGINIGIIT NI SEN. IMEE
DAPAT magsilbing babala sa gobyerno, partikular sa Department of Education, ang mga napaulat na kaso ng suicide ng ilang estudyante dahil sa hirap sa pagtugon sa mga pangangailangan sa kasalukuyang sistema ng pag-aaral.
Ito ang binigyang-diin ni Senadora Imee Marcos kasabay ng pahayag na dahil sa umiiral na distance learning, lalong nakita ang gap sa pagitan ng mga mahihirap at ng mayayamang estudyante.
“Substandard ang learning modules, may ilang mali sa remote learning, at pati ang estado sa buhay ay naging dahilan ng pagkakaroon ng learning gaps sa pagitan ng mga may kaya at walang kakayahan, mga konektado sa internet at mga isolated, mayaman at mahirap,” pahayag ni Marcos.
Muling iginiit ng senadora na dapat nang buksan ang face-to-face classes sa lalong madaling panahon sa mga eskwelahang may kakayahang magpatupad ng health protocols kontra pagkalat ng Covid19.
“Ang Filipinas ang napag-iiwanang bansa na patuloy na nakasarado ang mga eskwelahan,” diin ni Marcos.
Kumpiyansa rin si Marcos na striktong makasunod ang mga guro at mga estudyante sa pagsusuot ng face mask at face shield, gayundin sa physical distancing sa mga silid-aralan at iba pang health protocol.
“Sa mga komunidad kung saan kontrolado na ang pagkahawa sa sakit, alam natin na istrikto ang pagpapatupad ng mga protocol tulad ng pagsusuot ng face masks, paghuhugas ng kamay, bentilasyon, distansya sa isa’t isa, priority testing at tracing, kaya tiyak na mapipigilan ang pagkahawa sa mga paaralan,” dagdag ni Marcos.
“Mas ligtas na makapag trabaho ang mga tagapagturo sa paaralan, at ito ang pinakaligtas na lugar para sa mga bata sa panahong may pandemya,” dagdag pa niya.