Nation

KWF NILABAG ANG SARILING PASYA; ‘FILIPINO’ ANG GINAMIT SA HALIP NA ‘PILIPINO’

/ 3 August 2021

TILA nilabag ng Komisyon sa Wikang Filipino ang sarili nitong pagpapasya matapos na i-post sa Facebook ang kalendaryong Buwan ng Wikang Pambansa 2021 noong Linggo, Agosto 1.

Pinaghalo kasi ng KWF ang paggamit sa ‘Pilipino’ at ‘Filipino’ bilang panawag sa mga mamamayan ng Pilipinas.

Bagaman mababasa sa kalendaryo na ‘Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino’ ang pangkalahatang tema ng pagdiriwang na may diin sa paggamit ng ‘Pilipino’ bilang pangalan ng tao, makikitang ‘Filipino’ pa rin ang nasa pamagat ng webinar sa Agosto 30 –Dekononisasyon ng Pag-iisip ng mga ‘Filipino’ – manipestasyon ng hayagang pagbalikwas sa sarili nitong pagpapasya.

Nauna nang iniulat ng The POST ang pagpapatigil ng KWF sa paggamit ng ‘Filipino’ at ‘Filipinas’ sapagkat ayon sa KWF ay lumikha lamang ito ng pagkalito, ligalig, at hidwaan.

Nakasaad sa Kapasiyahan Blg 21-18 na ibabalik na sa ‘Pilipino’ ang ngayong ginagamit na ‘Filipino’ bilang panukoy at panawag sa mga mamamayan.

Gayunpaman, dahil sa ipinaskil na kalendaryo, tila ang KWF ang nalitokung ‘Pilipino’ o ‘Filipino’ ang dapat na gamitin.

“Sino ba talaga ang nalilito, ang mga mamamayan o ang KWF?,” komento ng isang guro.

“Bakit ba kasi pilit pinapalitan ang Filipino gayong ito naman ang alam ng mga mamamayan? Nalilito sapagkat hindi nag-aaral,” komento ng isa pa.

Tinanong ng The POST ang Tagapangulo ng KWF na si Dr. Arthur Casanova sa isang press conference noong Hulyo 28 subalit bigô nitong mailahad ang empirikal na mga katibayang makapagsasabi na lumikha nga ng kalituhan at ligalig ang Filipino at Filipinas.

Hindi rin naipaliwanag ang sanctions o parusang posibleng ipataw sa mga lalabag sa bagong kautusan – tulad ng pagkakamali ng KWF sa Facebook.

Hanggang sa oras na ito’y hindi pa rin pinapalitan ng KWF ang nasabing kalendaryo.