Nation

KLASE SA CAGAYAN SUSPENDIDO PA RIN

/ 23 November 2020

HANGGANG Nobyembre 30 suspendido ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong Cagayan, ayon sa pahayag ni Cagayan Governor Manual Mamba.

Ang pagpapalawig ng suspensiyon ay para magkaroon pa ng mas mahabang panahon ang mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Ulysses na makaahon sa delubyong naranasan noong nagdaang dalawang linggo.

Ayon kay Mamba, ang mga magulang ay guro rin sa panahon ng pandemya kaya tiyak niyang kailangan ang mahaba-habang paghahanda bago sumabak sa panibagong daluyong ng modular at online learning.

Dagdag pa niya, hindi rin masasagutan ng mga bata ang kani-kanilang modules sapagkat marami pa ring lugar sa Cagayan ang hindi pa nagkakaroon ng koryente, nakalubog pa rin sa baha, at may mabagal na internet connection.

Marami pa umanong suliraning isinasaayos hanggang ngayon kaya nais niyang palawigin hanggang katapusan ng taon ang suspensiyon, subalit isinaalang-alang niya ang kalagayan ng mga batang Cagayano sa posibilidad na maiwan ang mga ito sa aralin, alinsunod sa ‘adjusted curriculum’ ng Department of Education sa panahon ng ‘new normal’.

Tuloy-tuloy ang operasyon ng lokal at pambansang pamahalaan, katuwang ang mga individual at non-government organization sa donation drive at operations para matulungan ang libo-libong pamilyang nawalan ng tahanan at ng mga mahal sa buhay dulot ng sunod-sunod na bagyo.