KASAYSAYAN NG FILIPINAS TAMPOK SA SININGSAYA
INILIMBAG na ng Gateway Gallery, J. Amado Araneta Foundation, at ng Adarna House ang pinakabagong aklat-pagsasanay para sa mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemya.
Sa workbook na pinamagatang ‘SiningSaya!’ ay itinampok ng tatlong organisasyon ang makulay na kasaysayan ng Filipinas sang-ayon sa likhang-sining ng University of the Philippines College of Fine Arts at ng mga Pambansang Alagad ng Sining BenCab at Abdulmari Imao na ‘SiningSaysay: Philippine History in Art’.
Ang 24 na pahina’y puno ng mga gawaing maaaring gamiting kaakibat ng self- learning modules ng Department of Education sa asignaturang Araling Panlipunan. Mayroon din itong mga retrato ng SiningSaysay exhibit na posibleng i-scan gamit ang Gateway Gallery Pocket Museum nang kagyat na mapanood ang lakip nitong augmented reality video.
Partikular ang aklat sa mga batang may edad 8 hanggang 12. Ito’y masusing isinulat ni Kata Garcia, iginuhit ni Asa Montenejo, at inedit ni Gari Apolonio. Kasama nila sa grupo ang mga konsultant na sina Christine Diane Romero. Glenda Dawn Carlota, John Carlo Santos, at Helen Valenzuela.
Nagkakahalagang P200 ang bawat isang workbook. Lahat ng maiipong halaga’y ilalagak ng GG at JAAF sa Operation Relief Efforts of Araneta City to Help upang maabutan ng tulong ang mga Filipinong nasalanta ng Bagyong Ulysses.
Bisitahin lamang ang www.gatewaygallery.aranetacity.com o ang facebook.com/GatewayGalleryPH kung nais magkaroon ng personal na kopya. Puwede ring dumaan sa kiosk ng GG sa Gateway Mall Activity Center, Lunes hanggang Biyernes, 2-5 n.h.