HAZING SA PMA CADET DEDESISYONAN NA NG KORTE
MAKARAAN ang limang taon, inaasahang maglalabas na ng desisyon ang korte hinggil sa hazing case laban sa ilang mga kadete ng Philippine Military Academy na umano’y sangkot sa pagkamatay noon ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.
Sa August 16, 2024 ay itinakda ni Baguio City Regional Trial Court Branch 5 Presiding Judge Ligaya Itliong-Rivera ang promulgasyon sa naturang kaso.
Kabilang sa mga pangunahing suspek sa pagkamatay ni Dormitoryo ay sina 3rd Class Shalimar Imperial Jr., at Felix Lumbag Jr., habang isa pang kadete na kinilalang si 3rd Class Julius Tadena ay kabilang din sa mga nasasakdal.
Magugunitang Setyembre 18, 2019 nang masawi si Dormitoryo dahil sa umano’y tinamong mga sugat na sinasabing kagagawan ng kanyang mga upperclassmen sa military school.
Ang naturang insidente ay naging dahilan upang ipanawagan ng mga mambabatas at mga opisyal ng bansa ang pagbabago sa Anti-Hazing Law at magpataw ng mas mabigat na parusa.
Kung hindi nasawi, si Dormitoryo ay nakatapos na bilang miyembro ng PMA Madasigon Class of 2023.