FULL F2F CLASSES TULOY NA TULOY NA SA NOBYEMBRE
DESIDIDO ang Department of Education na ituloy ang 100 percent implementation ng face-to-face classes sa Nobyembre.
DESIDIDO ang Department of Education na ituloy ang 100 percent implementation ng face-to-face classes sa Nobyembre.
Ito ang inihayag ni Education Secretary Sara Duterte-Carpio sa pagdinig ng panukalang 2023 budget ng ahensiya matapos magpasalamat si Senadora Pia Cayetano dahil malinaw ang direktiba para sa face-to-face classes.
Sinabi ni Cayetano na taliwas ito sa ilang state universities and colleges tulad ng University of the Philippines.
Ayon sa kalihim, desidido sila na ituloy ang face-to-face classes maliban na lang sa ilang unique situations kung saan papayagan ang blended learning.
Idinagdag pa ng kalihim na pokus ng DepEd ang learning recovery at continuity lalo na sa gitna ng matinding epekto ng pandemya sa edukasyon.
Aminado ang kalihim na may malaking isyu sa kalidad ng edukasyon batay sa ilang tests sa mga estudyante sa mga nakaraang taon.
Tinukoy niya ang Trends in International Mathematics and Science Study 2019 kung saan lumabas na 81 percent ng Grade 4 students ang hindi makapagsagawa ng simple Math operations o kaya ay makapag-solve ng simple word problem habang
87 percent ang hindi nakakaintindi ng basic Science concepts.
Ibinida rin ni Duterte-Carpio ang matagumpay na reopening ng klase sa public at private schools nitong nakaraang August 22 bagama’t nasa gitna pa rin ng Covid19 pandemic ang bansa.