Nation

FILIPINA ARTIST PACITA ABAD BIDA SA GOOGLE DOODLE OF THE DAY

/ 2 August 2020

BIYERNES, 31 Hulyo, ibinida ng Google sa Doodle of the Day ang yumaong Filipina alagad ng sining, feminista, at aktibistang si Pacita Abad, ang kauna-unahang babaeng nagwagi ng Ten Outstanding Young Men noong 31 Hulyo 1984.

Ayon sa Google, ipinagdiriwang nila ang ambag ni Abad sa larangan ng sining, “for her bold use of color and mixed media as well as her use of art to address global themes,” na siyang konsepto ng naturang doodle.

PACITA_2_32fd11c8d2

Si Pacita Abad ay mula sa mga lahi ng Ivatan sa Batanes. Siya ay nagtapos ng BA Political Science sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, taong 1967. Nagtapos din siya ng MA History sa Lone Mountain College, at saka nag-aral ng pagpipinta sa Corcoran School of Art sa Washington, D.C. at sa The Art Students League sa New York, kung saan siya nag-major sa still life at figurative drawing sa ilalim ng mga batikang alagad ng sining na sina John Helicker at Robert Beverly Hale.

Paglao’y tinutukan niya ang likhang abstrakto at nakilala sa sariling taktikang pampagpipinta na tinawag na “trapunto”, salitang Italyano para sa “quilting”. Ginamit niya ang kaniyang talento upang isulong ang mga politikal na kuwento ng mga Filipina, ang mga kalagayang panlipunan, at mga karanasang kaniyang naranasa’t napagtagumpayan. Makailang-ulit din siyang nagsagawa ng mga pampublikong pagtatanghal gaya ng “Painted Bridge” sa 55-metro Alkaff Bridge ng Singapore.

Yumao man sa kanser si Abad noong 2004, ang higit limang libong likhang sining naman niya na nasa higit 70 mga bansa ay tinitingala pa rin magpahanggang sa ngayon ng buong mundo.

“Thank you, Pacita Abad, for painting the picture of a brighter tomorrow,” mensahe ng Google.