DROPOUTS LOLOBO DAHIL SA ‘PROBLEMATIC DESIGN’ NG BLENDED LEARNING — SOLON
SA KABILA ng pagsisikap ng mga guro at magulang sa ipinatutupad na blended learning, hindi nawawala ang pangamba ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na marami pa ring estudyante ang magda-drop out o hindi makatatapos ng pag-aaral ngayong academic year 2020-2021.
Ayon kay Castro, ito ay dahil sa ‘problematic design’ ng blended learning scheme ng Department of Education.
“The overall problematic design of DepEd’s blended learning scheme as a solution to learning continuity even amid the pandemic is flawed,” pahayag ni Castro.
Idinagdag ng kongresista na ilang buwan na lamang ay matatapos na ang school year subalit hindi pa rin naibibigay ng administrasyon ang mga pangangailangan para sa bagong moda ng pag-aaral.
Binigyang-diin pa ni Castro na iniwan ng gobyerno ang responsibilidad sa mga paaralan, mga guro at school personnel para masolusyunan ang mga pangangailangan sa devices at maging ang pag-iimprenta ng mga module.
“Despite teachers’ heroic efforts, many children are still unable to access education and many who are currently enrolled would rather opt to drop out to school due to connectivity issues and lack of access since their parents have lost their jobs brought about by the pandemic,” dagdag pa ni Castro.