Nation

DISCOUNT PA MORE SA MAHIHIRAP NA ESTUDYANTE

/ 21 October 2020

ISA pang panukala ang inihain sa Kamara para sa pagbibigay ng diskwento sa mga mahihrap na estudyante, hindi lamang sa mga bayarin sa paaralan kundi maging sa iba pa nilang pangangailangan.

Sinabi ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas na layon ng kanyang House Bill 7482 o ang proposed Underprivileged Students’ Discount Act of 2020 na bawasan ang pasanin ng pamilya ng mahihirap na estudyante.

Naniniwala ang konrgesista na sa pamamagitan ng pagkakaloob ng 10 porsiyentong diskwento sa iba’t ibang bilihin at serbisyo sa mga underprivileged student ay maitataguyod ang social justice at mabibigyan ng pantay na oportunidad ang lahat ng Filipinong mag-aaral.

Saklaw ng panukala ang mga estudyanteng naka-enroll sa basic education, post-secondary non-degree technical vocational courses at sa bachelor’s degree program sa kolehiyo na ang mga magulang ay kumikita ng hindi hihigit sa P250,000 kada taon.

Alinsunod sa panukala, maaaring i-avail ng mga estudyante ang 10 porsiyentong diskwento sa food chains, canteens at restaurants, mga gamot, electronic devices na ginagamit sa online o distance learning, mga museum, theaters at cultural events, at lalo na sa matrikula, miscellaneous at iba pang school fees.

Sa ilalim ng panukala ay binibigyan naman ng kapangyarihan ang Department of Education, Technical Education and Skills Development Authority at Commission on Higher Education na bawiin ang pribilehiyo ng diskwento sa mga aabuso.

Upang mabawi ng mga establisimiyento ang ipinagkaloob na diskwento sa mga estudyante, maaari nila itong ibawas sa gross income para sa pagkukuwenta ng kanilang income tax.

Batay rin sa panukala, mahaharap sa isang linggo hanggang apat na linggong suspensiyon ng business permit at multang P20,000 hanggang P50,000 ang mga business establishment na lalabag sa unang pagkakataon.

Sa ikalawang paglabag, sususpendihin  ang kanilang business permit ng hindi bababa sa apat na linggo at magbabayad ng multang mula P50,000 hanggang P250,000.

Una na ring naghain ng kahalintulad na panukala sina Senador Sonny Angara at Bohol 3rd District Rep. Kristine Alexie Tutor na kapwa nakabimbin sa mga komite sa Senado at Kamara.