DEPED MAKIKIPAGPARTNER SA PRIBADONG PUBLISHING INDUSTRY PARA SA MODULES
AMINADO ang Department of Education na malaking hamon pa rin sa kanila ang pagbalangkas ng mga self-learning modules para sa implementasyon ng modular learning sa gitna ng Covid19 pandemic.
Dahil dito, sinabi ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na plano nilang makipag-partner sa private publishing industry para sa pagbuo ng self-learning modules para sa third at fourth quarters.
“In the next quarters, we are already moving to the process of really engaging the publishing industry and our part will now be confined to the evaluation,” pahayag ni Malaluan.
Ipinaliwanag ni Malaluan na kaya nila nabuo ang modules para sa una at ikalawang quarter ay dahil sinimulan nila ito noong hindi pa nagsisimula ang pag-aaral kaya nakatulong ang mga guro at master teacher.
“Ngayon naman mahihirapan na rin silang tumulong sa paggawa ng content na ito for the subsequent quarters because their time now is devoted to the teaching,” diin ng opisyal.
Tiniyak din ni Malaluan na palalakasin nila ang quality assurance process upang mabawasan ang mga error sa self-learning modules.
Umapela rin ang opisyal ng pang-unawa sa publiko bunsod ng limitado nilang oras sa ipinatutuapd na bagong sistema sa pag-aaral.
“We had to rely also on locally developed learning resources and the decentralization increased the number of SLMs that are not all quality-assured in the Central Office level,” sabi niya.
Binigyang-diin ni Malaluan na may mga error sa modules tulad ng larawan ng magsasaka na kailangan ng malalimang imbestigasyon upang matugunan ang mga pagkakamali.
Aminado si Senate committee on basic education chairperson Sherwin Gatchalian na hindi malisyoso ang gurong gumawa ng module na may pagkakamali kaugnay sa larawan ng magsasaka subalit posibleng ito na rin ang pinaniniwaalan ng guro.
“I don’t think that the maker of that drawing had any malicious intent but the understanding and appreciation and also the embedded stereotyping is worrisome… We really need to look at teacher education as a whole,” pahayag ni Gatchalian.