BUWIS SA DIGITAL TRANSACTIONS DAGDAG-PROBLEMA SA E-LEARNING — SOLON
DAGDAG-PASAKIT sa e-learning ang inaprubahan ng House Ways and Means Committee na panukalang magpapataw ng buwis sa digital transactions o ang tinatawag na digitax, ayon kay Kabataan partylist Rep. Sarah Jane Elago.
Sinabi ni Elago na maaari ring sakupin ng papatawan ng Value Added Tax ang online learning na hirap na hirap na umanong abutin ng mayorya ng kabataan at kanilang mga pamilya dahil sa kawalan ng laptop, maayos na internet at malaking gastos sa load.
Ipinaliwanag pa ni Elago na ang pagpapataw ng buwis sa digital transactions ay maaaring dagdag gastos din sa mga magpapadala ng pera sa kanilang pamilya at mga nagbabayad ng bills sa online.
Iginiit ng mambabatas na ang ipapataw na tax ay maipapasa sa consumer at hindi sa mga malalaking kompanya na malayang nakapagsagawa ng operasyon sa bansa.
“Kaliwa’t kanan ang paghahanap nila ng mapagkukunan ng pondo para sa dagdag-budget na pantugon dumano sa pandemya—kung hindi mula sa mga kaduda-dudang utang sa ibang bansa ay manggagaling ito sa mga buwis ng mga consumer at mamamayang sadsad na sa kahirapan,” pahayag ni Elago.
Idinagdag ng kongresista na ang hinahanap pa rin ng mamamayan ay ang komprehensibong pagtugon sa pandemya, kabilang na ang plano sa ipatutupad na distance learning sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
“Bilyon-bilyong piso na ang inutang, maliban pa sa nakalaang pondo ng gobyerno pero hindi pa rin ramdam ng taumbayan ang pagtugon sa pandemya. Sa halip ay pataas nang pataas ang kaso ng Covid19 sa bansa. Hindi kumpleto ang ibinigay na ayuda at patuloy na naghihirap ang mamamayan at wala pa ring libre at sistematikong mass testing,” sabi pa ng mambabatas.
“Mariing tinututulan ng mga kabataan ang mga ganitong klaseng panukala na magpapahirap sa mga Filipino lalo na’t nasa gitna tayo ng krisis,” pahayag pa ni Elago.