BROADBAND CONNECTION SA BAWAT MUNISIPYO IGINIIT
ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang panukala para sa paglalagay ng broadband internet connection sa lahat ng ‘unserved at underserved’ cities, municipalities at barangays sa bansa.
Sa kanyang Senate Bill 1598, o ang proposed “Last Mile Broadband Internet Connection Act,” binigyang-diin ng senador na napakahalaga ng internet sa modern world, partikular sa pamamahagi ng impormasyon at komunikasyon.
Ayon kay Lapid, sa panahong ‘tulad ngayon ay bahagi na ng social at economic life ang internet at iba pang teknolohiya.
Ilan, aniya, sa mga bahagi ng digital transformation phenomenon ay ang telehealth, online education, digital commerce at trading at financial technology, o ang tinatawag na ‘fintech.’
“Subalit sa kasamaang palad ay marami sa mga Pinoy ang hindi makasabay sa digital age dahil sa problema pa rin ang mabilis na internet connection at para sa mahihirap, ang pagkakaroon ng internet ay isang bagay na hindi kasama sa kanilang prayoridad lalo sa maliit nilang kinikita,” pahayag ni Lapid.
Kaya gusto umano ng senador na tugunan ang problemang ito sa pamamagitan ng pagsulong na makapagtayo ng pasilidad para sa broadband internet connection sa mga lugar na higit ang pangangailangan nito.
“Sa oras na maisabatas na ang panukalang ito ay inaasahan natin na walang komunidad ang maiiwan pagdating sa internet connectivity. Lalo sa panahon ngayon na hindi na matatawag na luho ang internet kundi isang mahalagang pangangailangan para sa trabaho at edukasyon,” dagdag pa ni Lapid.