ATTY. ESPINA: HINDI PA KAMI NAKATATANGGAP NG TUITION REFUND SA UST
Sa ikalawang bahagi ng panayam ng The POST kay Atty. Espina, binanggit niyang hanggang ngayon, dalawang buwan na ang nakararaan matapos ibalita ng Unibersidad ng Santo Tomas na magre-refund ng “unused” tuition dahil naputol ang semestre dala ng kwarentena, ay wala pa rin siyang natatanggap na anumang halaga. Aniya, ni liham o pulong para sa mga magulang ay wala. Nagdaan na ang espesyal na termino at paparating na ang bago, tila natabunan na ang inaasahan sana niyang ayuda sa panibagong mga bayarin.
Matapos himayin sa talakayan ang iba’t ibang isyu, sa dulo’y nag-iwan si Atty. Espina ng hamon sa UST. “Ang UST ay isang non-stock, non-profit educational institution at marami itong mga tax holidays na ine-enjoy under our tax laws. Hindi ba maaari na sa panahon ng pandemya ay mag-waive ng portion of the profits ang UST? Tahasan na ito. Tahasan ko nang hinihiling. Dahil kung ang malalaki ngang korporasyon, kagaya ng San Miguel Corporation, Ayala Corporation, ay naghatid ng tulong sa Filipinos in general, at tumugon sa paghingi ng tulong ng ating pamahalaan, bakit naman hindi kayang gawin ng mga pamantasan at lalong-lalo pa ng mga katolikong pamantasan na nagmamalaki ng pagtuturo ng Christian values sa aming mga anak?”
Nanawagan din si Atty. Espina sa iba pang mga magulang na hindi pa nagsasalita, natatakot magsalita, at may naising magsalita, na samahan siya sa labang ito para magkaroon na ng kasagutan ang lahat ng mga agam-agam ng mga mag-aaral, ina, ama, at mga nagpapaaral ngayong panahon ng krisis.
Kasalukuyan pa ring hinihintay ng The POST ang tugon ng UST tungkol sa isyung ito. Panoorin ang ikalawang bahagi ng panayam dito.