ALS COMMUNITY SA BAWAT LUNGSOD MALAKING OPORTUNIDAD SA MGA PINOY
NANINIWALA si Sendor Sherwin Gatchalian na mas maraming Pilipino ang mabibigyan ng pagkakataong makatapos sa pag-aaral kung magkakaroon ng Alternative Learning System Community Learning Center sa bawat lungsod o munisipalidad.
Dahil dito, inihain ng senador ang ALS Act na lumusot na rin sa third and final reading sa Senado.
Ang ALS ay isang programa sa ilalim ng Department of Education na layong bigyan ng libreng edukasyon ang mamamayang hindi makapasok sa mga paaralan dahil sa kawalan ng kakayahan na magbayad ng tuition o sa malalayo at liblib na lugar nanunuluyan.
Kabilang dito ang persons with disabilities o mga may kapansanan, indigenous peoples, children in conflict with the law, persons deprived of liberty, mga migrant worker at iba pang mga nangangailangang sektor ng lipunan.
Aminado rin si Gatchalian na malaking tulong ang ALS ngayong panahon ng pandemya at naghahanda na ang mga paaralan sa muling pagbubukas ng klase.
Tinutugunan sa proposed ALS Act ang pangangailangan sa patuloy na edukasyon sa kabila ng banta ng Covid19.
Sinabi pa ng senador na gagamitin ng ALS ang iba’t ibang paraan ng pagtuturo na kailangan sa ilalim ng tinaguriang ‘new normal’.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang pagtuturo sa ilalim ng ALS ay madalas ginagawa sa mga komunidad gamit ang mga community learning center, barangay multi-purpose hall, o iba pang lugar na napagkasunduan ng mga mag-aaral at kanilang mga guro.
Batay sa May 2018 Philippines Education Note ng World Bank, nasa 24 milyong Pilipinong may edad 15 ang hindi nakapagtapos sa high school habang nasa 2.4 milyong kabataang may edad lima hanggang 14 ang hindi nag-aaral.
“Kung bawat lungsod o munisipyo sa bansa ay magkakaroon ng ALS Community Learning Center, mas madali nating maaabot at mabibigyan ng dekalidad na edukasyon ang bawat Filipinong napagkaitan ng pagkakataong tapusin ang kanilang pag-aaral,” pahayag ng senador.
Batay sa datos ng senador, sa nakalipas na taon ay nasa 738,929 mga mag-aaral ang nakasama sa programang ALS.
Sa panukala, palalakasin ang ALS Teacher Program upang tugunan ang kakulangan sa ALS teachers at facilitators at magiging mandato ng Department of Budget and Management at Civil Service Commission ang pagbubukas ng mga teaching position para sa sistema ng edukasyon sa ALS.
Sa rekord, nasa 10,214 ang ALS learning facilitators noong 2019, kasama na ang mga mobile teacher, District ALS coordinator at literacy volunteer.