SERBISYO NG PHILHEALTH ‘DI DAPAT MAPUTOL — BBM
HINDI dapat mahinto ang serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation, ayon kay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
HINDI dapat mahinto ang serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation, ayon kay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos na ianunsiyo ng pitong ospital sa Iloilo ang tuluyan nilang pagkalas sa PhilHealth sa susunod na taon.
“Kailangan na kailangan sila ngayon ng mamamayan kaya mahalaga na maayos na nila ang kanilang problema. Higit sa lahat, taumbayan ang apektado kung bumitaw ang mga private hospitals sa PhilHealth. Pabilisin na ang proseso dahil ito naman ay serbisyong publiko,” ayon kay Marcos.
Hinikayat rin niya ang PhilHealth na tuparin ang naunang ipinangako nito na tatapusin ang pagbabayad bago matapos ang taon.
“Sana mangyari ito dahil napakalaking bagay ang maayos na koordinasyon ng PhilHealth at private hospitals ngayong panahon ng pandemya,” sabi ni Marcos.
Ayon kay Dr. Jose Rene De Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc., ilang pribadong hospital sa National Capital Region, Quezon Province, Northern Luzon at General Santos City ang nais sundan ang ginawang desisyon ng pitong naturang ospital sa Iloilo.
“Napakahalaga na may matatakbuhan ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong, lalo na sa panahon ngayong may pandemiya. Maaapektuhan ng unpaid claims na ito ang dapat sanang magandang serbisyo na ibinibigay ng mga pribadong ospital. Dapat na pag-igihan ng PhilHealth ang kanilang ugnayan sa mga private hospital. Siguraduhin na sila ay mababayaran na upang hindi maputol at maapektuhan ang mga health care facilities,” giit pa ni Marcos.