KabataanSaHalalan

SENADOR SA COMELEC: POSIBLENG EPEKTO NG ALCOHOL SA BALOTA PAG-ARALAN

HINIMOK ni Senador Francis Tolentino ang Commission on Elections na isama sa kanilang 2nd mock elections ang pag-aaral sa epekto ng alcohol sa mga balota na gagamitin sa May 9 elections, sa gitna na rin ng patuloy na paglaban sa Covid19.

/ 29 January 2022

HINIMOK ni Senador Francis Tolentino ang Commission on Elections na isama sa kanilang 2nd mock elections ang pag-aaral sa epekto ng alcohol sa mga balota na gagamitin sa May 9 elections, sa gitna na rin ng patuloy na paglaban sa Covid19.

Sa pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System, sinabi ni Tolentino na dapat ngayon pa lang ay alamin na ng poll body kung posibleng masira ang balota kung mabasa ito ng alcohol at hindi tanggapin ng vote counting machine.

Ipinaaalala ng senador na bahagi na ng buhay ngayon ang paggamit ng alcohol at tiyak na ang mga guro na magsisilbing Board of Election Inspectors ay regular na gagamit nito.

Maging ang mga botante, ayon kay Tolentino, sa pagpasok, habang nasa loob at bago lumabas ng presinto ay tiyak na mag-i-spray ng alcohol.

Nangako naman si Comelec Commissioner Marlo Casquejo na kanila itong aaralin.

Samantala, iprinisinta ni Dir. Divina Blas-Perez ng Election and Barangay Affairs Department sa pagdinig ang resulta ng kanilang simulation activities at mock elections noong October 23 at December 29, 2021.

Sinabi ni Blas-Perez na ilan sa kanilang naranasan ay ang hindi pagtanggap ng counting machines ng balota, paper jams at misread ballots na agad namang naresolba.