KabataanSaHalalan

PROKLAMASYON NG MGA NANALONG PARTYLIST INIURONG

INIATRAS ng Commission on Elections, na umuupo bilang National Board of Canvassers, ang proklamasyon ng mga nanalong partylist sa susunod na linggo.

/ 18 May 2022

INIATRAS ng Commission on Elections, na umuupo bilang National Board of Canvassers, ang proklamasyon ng mga nanalong partylist sa susunod na linggo.

Sa sesyon ng NBOC nitong Martes ng gabi, sinabi ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan na kailangan pa nilang mag-convene ng session matapos ang special election sa Lanao del Sur sa Mayo 24.

“We shall resume the canvassing of the party-list candidates on the 25th of May 2022 after the special election in Lanao del Sur on May 24,” pahayag ni Pangarungan.

Una nang itinakda ng NBOC ang proklamasyon sa mga partylist na mayroon nang guaranteed seats sa araw ng Huwebes, Mayo 19.

Gayunman, nagdesisyon ang NBOC na ipagpaliban ito dahil posibleng maapektuhan ng special elections ang ranking ng mga partylist.

Batay sa tala ng Comelec, nasa 11,557 ang registered voters sa Tuburan, Lanao del Sur para sa 2022 national and local elections.

Sa ngayon, nangunguna sa partylist groups ang ACT-CIS at 1-Rider.

Sa ilalim ng party-list law, ang grupo na nakakuha ng 2% ng total number ng boto sa party-list race ay mayroon nang one seat sa House of Representatives.

Ang mga nakakuha ng higit pa sa 2% threshold ay mabibigyan pa ng karagdagang puwesto sa Kamara.

Ang mga hindi naman umabot sa 2% requirement ay may pag-asa pang makakuha ng puwesto depende sa kanilang ranking dahil kinakailangang mga partylist representative ang 20% ng miyembro ng Kamara.