MGA TSUPER AT ORDINARYONG MAMAMAYAN GAGAMITIN NG LACSON-SOTTO TANDEM SA ANTI-CORRUPTION DRIVE
CANDELARIA, QUEZON --- Upang matiyak na masusugpo ang katiwalian sa gobyerno, hihilingin ni Partido Reporma presidential bet Panfilo 'Ping' Lacson ang tulong ng mga tsuper at iba pang ordinaryong mamamayan na posible niyang italaga bilang deputized agent.
CANDELARIA, QUEZON — Upang matiyak na masusugpo ang katiwalian sa gobyerno, hihilingin ni Partido Reporma presidential bet Panfilo ‘Ping’ Lacson ang tulong ng mga tsuper at iba pang ordinaryong mamamayan na posible niyang italaga bilang deputized agent.
Sa diyalogo ng Lacson-Sotto tandem sa Tricycle Operators and Drivers Association sa bayan ng Candelaria, ipinaliwanag ng presidential bet na una na niyang ginawa sa pagsugpo sa mga kotong cops ang naturang istratehiya.
Sinabi ni Lacson na maaaring makuha ang pakikipagtulungan ng ordinaryong mamamayan, partikular ng mga tsuper sa pag-aresto sa mga tiwaling tauhan ng gobyerno.
Ipinaliwanag ng senador na ang isang deputized agent ay maaaring samahan ng isang enforcer na siyang aaresto sa tiwaling opisyal o tauhan ng gobyerno.
Ang itatalagang deputized agent ay bibigyan ng reward depende sa mahuhuling tiwaling tauhan ng gobyerno.
Kasabay nito, ipinaalala nina Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa mga tsuper na ang tulong pinansiyal at subsidiya mula sa gobyerno ay galing sa buwis na pinaghirapan ng bawat Pilipino kaya may karapatan ang anumang sektor na pinaglaanan nito na kunin ang kanilang mga ayuda mula sa mga kinauukulan.
Ayon sa mga tsuper ng tricycle sa Candelaria, maging sila ay hindi pa nakukuha ang kanilang bahagi sa inilaang P5.58-bilyong pondo para sa mga driver ng pampublikong sasakyan sa ilalim ng Bayanihan II bago tuluyang mapawalang-bisa ang batas.
“Puntahan ninyo ‘yung inyong mga barangay chairmen, puntahan ninyo ‘yung inyong mga mayor bilang isang grupo. Kasi kung isa lang kayong pupunta baka hindi kayo pansinin. Kaya mainam ‘yung nakapag-organisa kayo sa pamamagitan ng TODA. Hingin ninyo kasi sa inyo ‘yon,” pahayag ni Lacson.
Ganito rin ang kanyang bilin sa kanila kaugnay sa P2.5-bilyong pondo para sa subsidiya ng langis na nakatakdang ipamahagi ng pamahalaan sa mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon kasunod ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.