KabataanSaHalalan

LACSON SA MGA KANDIDATO: HUWAG PAGLARUAN ANG KANDIDATURA

“HINDI lang ‘yung pagboto ang sagrado, kundi pati pagtakbo, sagrado ‘yan. ‘Wag nating laru-laruin kasi ang kawawa, hindi tayo; ang kawawa ‘yung susunod sa atin.”

/ 8 December 2021

“HINDI lang ‘yung pagboto ang sagrado, kundi pati pagtakbo, sagrado ‘yan. ‘Wag nating laru-laruin kasi ang kawawa, hindi tayo; ang kawawa ‘yung susunod sa atin.”

Ito ang mensahe ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping‘ Lacson kasabay ng panawagan sa publiko na dapat na maging matalino sa pagpili ng susunod na magiging lider ng bansa lalo’t nahaharap ang bansa sa mga kalamidad, banta ng terorismo, at pandemya.

“Tuwing uuwi tayo ng bahay, tingnan natin ‘yung mga anak natin, tingnan natin ‘yung mga apo natin… Anong kinabukasan ang maghihintay sa kanila kung mali na naman ‘yung napili natin?” pahayag ni Lacson.

Iginiit pa ng senador na kailangan ng lider na subok na sa karakter lalo sa paghawak ng kapangyarihan at pera.

“Bigyan mo ng power, offer-an mo ng pera. ‘Pag pumasa ‘yan, pasado ang character ng isang tao. ‘Di ba, ‘pag nakatikim ng power naiiba na ‘yung pananaw e. Hindi po ba? Ganyan,” diin ng mambabatas.

Inilahad din ni Lacson kung paano niya dinala sa Senado ang mahigpit niyang polisiya laban sa kotong nang maging hepe siya ng Philippine National Police, na nagresulta sa kanyang malinis na service record.

Hinikayat pa ng presidential candidate ang lahat ng mga Pilipino na lumahok sa pagbabantay sa kaban ng bayan.

“Huwag ninyong sabihing wala kayong pakialam sa kaban ng bayan, tayong lahat may pakialam,” dagdag ni Lacson.