KabataanSaHalalan

ESCUDERO SA PUBLIKO: SAKRIPISYO NI RIZAL ISAALANG-ALANG SA ELEKSIYON

NANAWAGAN si dating senador at ngayo’y Sorsogon Gov. Francis Escudero sa publiko na isaalang-alang sa kanilang pagboto sa susunod na taon ang mga sakripisyo ni Dr. Jose Rizal at iba pang bayaning Pilipino.

/ 31 December 2021

NANAWAGAN si dating senador at ngayo’y Sorsogon Gov. Francis Escudero sa publiko na isaalang-alang sa kanilang pagboto sa susunod na taon ang mga sakripisyo ni Dr. Jose Rizal at iba pang bayaning Pilipino.

“Suklian natin ang kanilang mga sakripisyo sa paggawa ng matuwid at patuloy na pagmamahal sa Pilipinas. Magagawa natin ito sa pagpili ng mga karapat-dapat na kandidato na iluluklok natin sa kapangyarihan sa darating na Halalan 2022,” pahayag ni Escudero.

Iginiit ni Escudero na dapat ikonsidera ng publiko ang Halalan 2022 bilang pag-asa para sa bayan sa kabuuan.

“Tayo po ay bumoto dala-dala ang pag-asa na ang mga susunod na mamumuno sa ating pamahalaan ay may pusong katulad ng ating mga bayani,” dagdag pa ng gobernador.

Pinapurihan din ni Escudero ang mga tinawag niyang modern day heroes, partikular ang frontliners na patuloy na isinasakripisyo ang kanilang buhay para lamang matiyak ang kaligtasan ng taumbayan sa gitna ng Covid19 pandemic.

Pinasalamatan din ni Escudero ang mga nagsasagawa ng relief efforts sa mga komunidad na apektado ng Bagyong Odette.