KabataanSaHalalan

DELA ROSA UMATRAS SA PRESIDENTIAL RACE; BONG GO SABAK SA PAGKA-PANGULO

MATAPOS na umatras sa kanyang kandidatura bilang pangulo si Senador Ronald 'Bato' dela Rosa, naghain naman ang ka-tandem niyang si Senador Christopher 'Bong' Go ng certificate of candidacy sa pagka-presidente.

/ 14 November 2021

MATAPOS na umatras sa kanyang kandidatura bilang pangulo si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, naghain naman ang ka-tandem niyang si Senador Christopher ‘Bong’ Go ng certificate of candidacy sa pagka-presidente.

Unang nagtungo sa tanggapan ng Commission on Elections si Dela Rosa para sa withdrawal ng kanyang COC.

Kasama naman ni Go si Pangulong Rodrigo Duterte para iatras ang kanyang kandidatura bilang bise presidente sa ilalim ng PDP-Laban at saka inihain ang kanyang COC bilang pangulo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan o PDDS.

Sa panayam, sinabi ni Go na nagdesisyon siya at ang PDP-Laban kasama si Pangulong Duterte na kumandidato sa pinakamataas na posisyon upang maipagpatuloy ang mga programang nasimulan ng administrasyong Duterte.

Aminado si Go na nasagasaan siya at kinakailangan niyang umiwas upang hindi masaktan ang Punong Ehekutibo kaya umakyat ng posisyong tatakbuhan.

“Ako po ay kandidato na noong nakaraang araw, 40 days na po akong kandidato bilang vice president. Ako po ay nasagasaan, tao lang po ako. Senador po ako, public servant po ako. Meron akong partido, nasagasaan po ako, nadapa po ako. Kailangan ko po bumangon para sa mga kapartido ko, at sa sambayanang Pilipino, lalo na po kay Pangulong Duterte. Kailangan kong lumaban para sa kanila. Kailangan kong lumaban. Save the legacy, save the party, save the Filipino people. Ipagpapatuloy ko po ang pagbabago, tuloy ang serbisyo, tuloy ang malasakit,” pahayag ni Go.

Tumanggi naman si Go na kumpirmahin o itanggi ang posibilidad na maging ka-tandem niya si Pangulong Duterte.

“Sa ngayon po ang masasagot ko muna ‘yung Go muna. Hintayin na lang po muna natin ang desisyon ni Pangulong Duterte,” sabi ni Go.