KabataanSaHalalan

AGRI SECTOR TUTUTUKAN NI ELEAZAR

/ 26 March 2022

NANGAKO si senatorial aspirant Guillermo Eleazar na magbibigay siya ng tulong sa mga agriculture student kung mahahalal siya sa nalalapit na halalan.

Sinabi ni Eleazar na makatutulong ito para lumakas ang sektor ng agrikultura sa bansa.

“Kaya maraming kabatataan ang ayaw kumuha ng agriculture-related courses ay dahil over the years, nagkaroon na ng pananaw na ang pagiging magsasaka sa ating bansa ay katumbas ng matinding kahirapan,” ani Eleazar.

Binanggit niya ang pangangailangang tumuon sa agrikultura dahil karamihan sa mga manggagawa ng sektor ay tumatanda na.

Ayon sa pag-aaral ng Univesity of the Philippines-Los Baños, ang average na edad ng mga magsasaka sa bansa ay 53 at ang kanilang mga anak ay karaniwang hindi kumukuha ng mga kursong may kinalaman sa agrikultura.

Ani Eleazar, karamihan sa mga magsasaka ay hindi man lamang kayang pag-aralin ang kanilang mga anak sa senior high school at kolehiyo.

Sinabi ni Eleazar na uunahin niya ang mga anak ng mga magsasaka at mangingisda sa mabibigyan ng scholarship slot.