VP NG ISABELA STATE U PUMANAW SA COVID19
Nagluluksa ngayon ang pamunuan, mga tauhan at mag-aaral ng Isabela State University sa pagpanaw ng kanilang Vice President for Planning na si Dr. Juanito Rosini dahil sa Covid19.
Sa kanilang official Facebook page, nagbigay-pugay at nagpaalam ang pamilya ng unibersidad sa academician na naglingkod ng 40 taon sa nasabing learning institution.
“Truly a great loss of an industrious colleague, a loving friend, and an attentive father to all — but you will always be remembered and treasured, Dr. Rosini,” bahagi ng pagpupugay ng ISU sa kanilang senior administrator.
Noong Marso ay nagpositibo sa Covid19 si Rosini at hindi kaagad nabigyan ng professional medical treatment sa kahit saang ospital sa Cagayan Valley region.
Ayon kay ISU President Ricmar Aquino, hindi na-confine sa ospital si Rosini dahil lahat ng pagamutan ay nasa full capacity na kaya nag-home quarantine na lamang ito subalit lumala ang kanyang kondisyon.
May isang private hospital sa Santiago City, Isabela ang tumanggap kay Rosini dahil sa maselang kalagayan nito subalit bumigay rin agad noong Abril 20 at isinailalim sa cremation.
Una nang isinailalim sa lockdown ang ISU Echague campus at lahat ng campuses sa lalawigan simula noong Marso 31 hanggang Abril 15 dahil ilan sa kawani ng unibersidad ay nagpositibo sa Covid19 kung saan tatlo sa mga ito ang namatay.
Dahil dito, pinalawig pa ni Aquino ang lockdown sa lahat ng ISU campuses hanggang Abril 30.