VOCATIONAL TEACHER EDUCATION TECH ITUTURO NA SA METRO DUMAGUETE COLLEGE
SISIMULAN na ngayong akademikong taon ang pagtuturo ng Vocational Teacher Education Technology, ang pinakabagong three-year diploma course, sa Metro Dumaguete College, Negros Oriental.
Inilunsad ni MDC President Dr. Delma Manila ang naturang programa noong Enero 15, sa pagpupulong kasama ang stakeholders at industry partners ng kolehiyo.
Ayon kay Manila, ang VTET ay may kombinasyon ng mga sabjek na itinuturo sa university academic track at technical-vocation program, epektibo sa mga mag-aaral na may masidhing pagnanais na magturo ng teorya at praktikang angkop sa major na papasukan.
Maaari namang maging ganap na digring batsiler (Elementarya o Sekundaryang Edukasyon at Vocational Technical Education) ang naturang diploma course kung makapagdedesisyon ang mag-aaral na magdagdag ng isa pang taon para sa ladderized program.
“Within the three years that they will be enrolling with us, they can earn 12 to 13 national certificates. Kumbaga, if I want to have my own business, I want to go to work, I am already equipped with the technical skills and If I want to pursue in the fourth year, we have only one year to get the degree,” paliwanag ni Manila.
Ilan sa mga sabjek na puwedeng piliin sa tech-voc side ng VTET ang Instrumentation Control Servicing, Mechatronics, Consumer Electronics Servicing, at Electrical Installation and Maintenance na mga pawang akredito ng Technical Education and Skills Development Authority na may National Certification II at III.
Samantala, inilahad naman ni MDC Marketing and Admission Officer Emmalyn Carreon ang kurikulum ng VTET sa mga bisitang puno ng mga kompanya. Kinakitaan ito ng malaking potensiyal sapagkat ang mga kasanayang malilinang sa diploma course ay swak din sa kahingian ng mga business processing outsourcing companies, bangko, kooperatiba, maging mga gawaing pampamahalaan.
Suportado ng TESDA ang MDC sa pagbubukas ng VTET. Napagtitibay umano nito ang paniniwala ng ahensiya na anumang larang ang kinabibilangan ng mag-aaral ay hindi kailanman dapat iwaglit ang kasanayang teknikal-bokasyonal dahil bahagi ito ng araw-araw na pamumuhay.
“The purpose of the diploma program actually is number one: industry-based ang atong curriculum. We are looking into higher impact or higher employment opportunity for graduates and learners. Second, for the assurance that our learners for the diploma program will have at least 12 national certificates so they will always have the capacity and capability to be globally competitive,” pagbibigay-diin ni TESDA Negros Oriental Public Information Officer Beth Aimee Tubog.