UST WALANG ENTRANCE EXAM SA 2021
INANUNSIYO ng University of Santo Tomas Office of Admissions na wala umanong entrance examination ang unibersidad para sa mga estudyante na nais makapasok sa akademikong taon 2021-2022.
Sa halip na USTET ay sasalain ang mga aplikante alinsunod sa rubrik ng USTAR o University of Santo Tomas Admission Rating na binuo ng komiteng kinabibilangan ng mga piling opisyal at pakuldad.
Ang USTAR ay ibabatay sa akademikong grado at rekord ng aplikante noong siya’y nasa high school.
“The University of Santo Tomas Entrance Examination (USTET) will not be administered in consideration of the quarantine restrictions that are currently in effect in the country,” abiso ng UST OA sa kanilang website.
“Instead, application for admission to UST for the AY 2021-2022 will be for the University of Santo Tomas Admission Rating (USTAR). The USTAR is a score that will be computed from a number of parameters derived largely from the academic performance and records of the applicant,” dagdag pa nito.
Sali-saliwang pananaw ang umingay sa social media nang pumutok ang probisyong USTAR.
Para kay @miaponce, hindi ito patas sa mga aplikante dahil hindi naman pantay-pantay ang paraan ng paggagrado. Inaalala pa niya yaong mga iskolar na ubod nang talino at talento pero may mababang marka. “But what abt students who may not have high grades but have the potential to pass the ustet and actually study sa ust,” diin niya sa Twitter.
Paano iyong mga maagang nag-enroll sa review centers at nalaman nilang wala palang eksaminasyon sa UST? Para kay @KhlySolomon, “sobrang unfair” at “masakit” dahil hindi mabibigyan ng pagkakataon ang mga nagsusumikap na ipamalas ang kanilang galing para pumasa.
Nangangamba, subalit pinatatatag ni Jia Sy ang loob ng mga nais mag-aral sa UST sa likod ng kawalang kumpiyansa sa mga grado noong hay-iskul. Sinabi niya na, “I am not discouraging you to apply for the USTAR. You should still try…I hope those who really wants to enter USTe would still apply for it despite your disappointment…We’re going to be a Thomasian, let’s claim it!”
Isa ang USTET sa mga entrance exam sa Filipinas na pinipilahan at inaabangan ng mga nagtatapos sa hay-iskul. Taon-taon ay umaabot sa daang libong aplikante ang nangangarap na makapasok sa pinakamatandang Katolikong unibersidad sa bansa na may basbas ng lungsod ng Vatican.
Sa Agosto 17 ang tinatayang unang araw ng aplikasyon para sa USTAR. Wala pang kumpletong gabay sa pagsusumite ng mga kailangang dokumento.