Campus

UP VISAYAS FRATERNITY KINUYOG DAHIL SA MALALASWANG MENSAHE

/ 29 July 2020

Nag-viral sa Twitter ang #ScintillaScandal, matapos i-post ng Twitter account na @ManyaksOfUPV ang screenshot ng mga malalaswang Facebook message ng mga kasapi ng UP Visayas Scintilla Jvris noong Hunyo 26.

Sa mga tweet ni @ManyaksOfUPV (burado na ang account nitong Hulyo 24), makikita ang bahaginan ng fraternity ng mga hubad na retrato at bidyo ng mga kababaihan na ang ilan ay diumano’y nakaraang karelasyon pa ng mga miyembro. Hindi rin nakaligtas sa kalaswaan ang kapatiran nitong sorority, ang Stella Juris, sapagkat maging sila’y sahog sa “window shopping” ng malalaswang halinhinan.

Agad na naglabas ng pahayag ang Scintilla Juris na nagsasabing aaksiyunan nila ang scandal sapagkat mariin nilang nilalabanan ang seksuwal na pangha-harass, misogonismo, at homopobyang gawaing magdadarang sa mga kababaihan at LGBT+ sa bulnerableng kalagayan.

FRATERNITY

Kinondena naman ng Tsanselor ng Unibersidad ng Pilipinas Visayas ang “boorish” at “discreditable behavior” ng mga sangkot sa fraternity, batay sa statement nito noong 02 Hulyo. Anila’y pangungunahan ng pamantasan, sa pamamagitan ng Anti-Sexual Harassment Office at Office of Student Affairs, ang imbestigasyon at mga susunod na hakbang.

Gayunpaman, sa pinakahuling editoryal ng SPARK – Samahan ng Progresibong Kabataan UP Diliman at UP Los Banos noong Hulyo 6 ay wala pa raw update ang UP Visayas tungkol dito. Mababasa ring may mga naghihintay ng balita tungkol sa kaso isang linggong nakararaan, dagdag-patunay na wala pa ngang kongkretong hakbang na naisasagawa ang pamantasan.

Matatandaan noong 2018 ay umingay na ang #LonsiLeaks matapos lumabas ang mga screenshot ng palitang-mensahe ng mga miyembro ng Upsilon Sigma Phi Fraternity sa UP Diliman na tungkol din sa seksuwal na pangha-harass, misogonista, at homopobyang pahayag laban sa kababaihan at LGBT+.