UP STUDENT UMORDER NG LAPTOP, BATO ANG NATANGGAP
IMBES na Macbook Air laptop, isang malaking tipak ng bato ang natanggap ni Karl Revilla ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman matapos itong umorder sa Lazada 5-5 sale.
Post ni Revilla sa kanyang Facebook, mukhang mapagkakatiwalaan naman ang online shop dahil maraming magandang feedback at accredited ito ng LazMall. Hindi niya inaasahang mabubudol siya sa kabila ng kanyang pag-iingat.
“Supposedly Macbook Air M1 ang dadating pero BATO ‘yung na-deliver ng Lazada. I thought okay naman kasi Lazmall and okay mga review sa store nila,” kuwento ni Revilla.
Agad siyang tumawag sa customer service. Kalmado man ang nakausap niya at nangakong aaksiyon nang mabilis, hindi pa rin maiiwasang ma-hassle dahil matatagalan pa umano ang refund.
“Talked to Lazada Customer Service and while they were calm and accommodating sa concern ko, as usual, ako pa rin maha-hassle na magbalik ng BATO sa LBC, ask for a refund, etc.”
Nais niya sanang mag-iwan ng bad review pero kinokonsidera niya rin ang posibilidad na sa warehouse o delivery ang problema at hindi sa mismong seller. Hihintayin na lamang umano niya ang imbestigasyon at ang susunod na hakbang ng Lazada.
“I could’ve easily left a bad review on the store but it is also possible that the seller wasn’t aware of this and someone in the warehouse did the switching. It’s sad how people are able to resort to this kind of act.”
Pinag-iingat ni Revilla ang publiko sa pag-order, lalo pa nang malaman niyang hindi pala ito ang unang beses na may ganitong insidente.
Isang Richie Lalaguna Codera ang may parehong karanasan oong Disyembre 2020. iPhone 11 ang binili niya sa isang store pero bareta ng sabong panlaba ang dumating.
Kahapon, nang mag-update si Revilla ng post ay nagpasalamat siya sa Lazada.
Mare-refund umano ang buo niyang ibinayad sa loob ng 5-15 araw. Posible ring isara ang online shop kung mapatutunayang sila ang nagkasala.
“Lazada is refunding the whole amount! It would take 5-15 days for the amount to reflect sa account. Since many buyers have also shared their experience with the same store (bato/ bareta ang na-deliver) Lazada is now investigating all parties involved. Possible din daw na magclose din ‘yung mismong store if si seller talaga ang may kasalanan.
“Thank you sa dalawang Lazada agents for their assistance. I’m sure that there are several (similar) cases that aren’t being shared on social media and buyers just rely on the app for the refund, I hope they get the same quick response/ treatment too, or better yet build a system/ stronger set of policies that will prevent scammers to continue with their bogus operations.”