UP DILIMAN MAY BAGONG VICE CHANCELLORS
MAY bago nang Vice Chancellors ang UP Diliman na maglilingkod kasama ng katatalagang Chancellor na si Prof. Fidel Nemenzo, D.Sc.
Kabilang sa mga ito si Prof. Ma. Theresa T. Payongayong, PhD, na bagong Vice Chancellor for Academic Affairs. Si Payongayong ay guro sa Pilosopiya, Kolehiyong Agham Panlipunan at Pilosopiya. Nagtapos siya ng PhD Philippine Studies noong 2011 at MA at BA Philosophy sa CSSP, cum laude. Siya ay dati nang naglingkod bilang bilang University Registrar.
Itinalaga naman si Prof. Adeline A. Pacia bilang bagong Vice Chancellor for Administration. Siya ay guro sa Departamento ng Industrial Engineering at Operations Research ng Kolehiyo ng Inhinyeriya kung saan siya nagtuturo ng mga kursong Feasibility Studies at Total Systems Design. Nagtapos si Engr. Pacia ng Master in Technology Management sa Technology Management Center at BS Industrial Engineering, kapwa sa UP Diliman.
Si Prof. Gonzalo A. Campoamor II, PhD ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ang bagong Vice Chancellor for Research and Development. Nagtapos ng post-doctoral studies si Dr. Campoamor sa Hitotsubashi University, Tokyo, Japan, kung saan niya nakuha ang kanyang PhD at MA sa Kasaysayan. Nagtapos din siya ng MA sa Filipino: Wika at BA Philippine Studies, magna cum laude, sa UP Diliman.
Bagong Vice Chancellor for Student Affairs naman si Prof. Louise Jashil R. Sonido, nagtuturo sa Departamento ng Ingles at Komparatibong Literatura. Nagtapos siya ng MA sa Media Studies (Film) at itinanghal na pinakamahusay na tesis noong 2019. Ang kanyang kursong batsilyer ay BA Komparatibong Literatura, magna cum laude, parehong sa UP Diliman.
Itinalaga rin si Prof. Aleli B. Bawagan, PhD bilang bagong Vice Chancellor for Community Affairs. Si Bawagan ay guro sa Departamento ng Pagpapaunlad ng Pamayanan. Dati siyang katuwang na kalihimng DSWD. Nagtapos siya ng PhD Education major sa Agham-Tao/Sosyolohiya, M Community Development, at BS Chemical Engineering, kapwa sa UP Diliman.
Samantala, ang bagong Vice Chancellor for Planning and Development ay si Prof. Raquel B. Florendo, PhD, nagtuturo sa Interior Design. Si Dr. Florendo ay isang rehistradong propesyonal na interior designer at kasalukuyang miyembro ng Commission on Higher Education – National Capital Region’s (CHED-NCR) Quality Assessment Team sa mga larangan ng architecture, fine arts at interior design, ng Professional Regulation Commission’s Board of Interior Design for Continuing Professional Education/Development, at ng Philippine Institute of Interior Designers.