UP ADMIN ‘INIIPIT’ ANG REHENTE NG MGA ESTUDYANTE?
HINDI pa rin dinirinig at tila ‘iniipit’ ng Administrasyonng Sistemang Unibersidad ng Pilipinas ang resolusyong ipinasa ng General Assembly of Student Councils sa 1352nd Board of Regents Meeting para panatilihin sa posisyon si Student Regent Isaac Punzalan, ngayong imposibleng makapaghalal ng bagong kinatawan ng mga iskolar ng bayan sa panahon ng Covid19.
Ayon sa RA 9500 o ang UP Charter, isang taon lamang ang termino ng bawat SR sa Sistemang UP. Tapos na ang termino ni Punzalan ngayong Agosto, subalit dala ng pandemya, minabuti ng GASC na magpasa na lamang ng resolusyong magpapanatili sa kanya sa puwesto “within a limited time due to the Covid19 pandemic until a successor is selected, qualified, and has assumed office in accordance with the prescribed rules.”
Sa likod nito’y iniipit ng administrasyon ang ganang pagkilos. Nangako si UP President Danilo Concepcion na hihingi muna siya ng payong legal bago magdesisyon, pero hanggang ngayon ay tahimik pa rin siya’t walang desisyon.
Sa pahayag ng UP Diliman University Student Council, sinabi nilang “the deafening silence of the UP administration sends an alarming signal to the integrity of student representation in the highest decision-making body in the university.”
Sinabi nila na mapanganib ito lalo pa’t nanghihimasok na ang Malakanyang sa pagdedesisyon ng unibersidad sa mga patakarang uutilisahin ng mga kampus sa paparating na akademikong taon. Sa mabibigat na usapin tila pinatatahimik ng UP ang boses ng mga iskolar ng bayan.
Dagdag pa rito, tatlong eleksiyon ng tsanselor ang magaganap, dahilan upang magkaroon ng mas matinding pangangailangang mainstitusiyonalisa na ang posisyon ng SR sa lalong madaling panahon. Dapat pa umano ay hindi nanghihimasok ang lupon sa mga panukalang ipinapasa ng GASC.
“The General Assembly of Student Councils reiterates what’s stated in the Codified Rules: the selection of the student regent is solely a student affair and that the administration is prohibited from interfering,” diin ng UP Diliman USC.
Susog ng UP Baguio at UP Visayas University Student Councils tungkol dito, “pantay na karapatan at representasyon”. Sa kanilang pahayag, nakasaad na, “We call on our fellow students to join the fight for the representation in the BOR. Our calls stand as a fight for democracy, integrity, and the welfare of the University and the People.”
Habang isinusulat ang balitang iyo ay wala pa ring tugon sa oras na ito ang Lupon ng mga Rehente sa kaso ng SR.