Campus

UNANG ARAW NG KLASE SA RTU INULAN NG REKLAMO

/ 16 September 2020

BUMUHOS ang reklamo ng mga estudyante ng Rizal Technological University sa  unang araw ng kanilang pasukan na  umano’y naging pahirap lang sa kanila.

Base sa pahayag ng Rise for Education – RTU, lantad na lantad ang kakulangan sa sistema sa pamantasan dahil pinilit lamang umano nito ang pagbubukas ng klase kahit hindi pa sila handa na pinatutunayan ng inilatag nilang dalawang linggong adjustment period.

Bukod sa hindi ma-access na student portal, may mga estudiyante umano na wala pang section hanggang ngayon at maiiwanan na sa mga aralin.

Nauna nang nagpahayag ng kanilang pagtutol ang mga estudyante sa pagbubukas ng klase sa RTU isang araw bago opisyal na buksan ang klase sa paaralan nooong Setyembre 14.

Naglunsad din ang R4E-RTU ng online survey tungkol sa naging karanasan ng mga estudyante sa kanilang unang araw ng klase kung saan karamihan sa mga ito ay sinambit na ‘na-hassle’ lamang sila at hindi pa handa ang RTU sa pagbubukas ng klase.

Samantala, pinaiigting ng mga estudyante ang kanilang panawagan para sa ‘7 Rizalista Demands’ na nagsusulong ng ligtas na balik eskuwela sa RTU.

Gagamitin ng RTU ang kanilang flexible leaning scheme na tinawag na ‘Flexys’ para sa school year 2020-2021.