Campus

UE WALANG KONSIDERASYON? VIRTUAL GRADUATION ITINULOY KAHIT MARAMING MAG-AARAL ANG NASALANTA NG BAGYO AT SUSPENDIDO ANG KLASE

/ 14 November 2020

HALOS pambabatikos at pakiusap ang umeere ngayon sa social media matapos na ituloy ng University of the East ang virtual graduation ng Senior High School students kahit na suspendido ang klase sa Maynila at maraming mga mag-aaral ang nasalanta ng Bagyong Ulysses.

Labinlimang oras ang nakaraan nang ipaskil ng UE sa Facebook page nito na tuloy ngayong araw ang pag-eere sa YouTube ng virtual graduation ng mga mag-aaral ng SHS sa parehong kampus – Caloocan at Maynila – kahit pa maraming mga magsisipagtapos ang nakikiusap na ipagpaliban ito alang-alang sa mga wala pa ring koryente, mabagal ang internet connection, at kasalukuyang umaahon pa rin sa pagkalubog sa baha, partikular yaong mga nasa evacuation centers pa.

Makailang ulit nang naudlot ang virtual graduation. Nakatakda ito ng Abril, pero hindi natuloy dahil sa kuwarentena na dulot ng Covid19. At ngayon, tinatanong ng mga mag-aaral, ano ang dahilan para hindi ito muling iurong alang-alang sa mga mag-aaral, magulang, at bayan?

Panawagan ni Ramyla Ynah Parreno sa Facebook comment, konsiderasyon sa mga nasalanta. Hindi umano sila nagmamadaling magtapos at mas nais pa nila ngayong tumulong kaysa magsaya.

“Consideration po sana sa mga nasalanta at naapektuhan ng bagyo. We understand the situation po at hindi kami nagmamadali maka- graduate. We’d rather help those who are in need, than be happy and enjoy the privilege for our personal need. Sana may consideration po.”

Dagdag pa niya, sana’y tugunan ng UE ang hinihiling ng karamihang magkaroon ng alternatibo o replay lalo na sa mga wala talagang pagkakataong makapanood.

Ganito rin ang sentimyento ni Jason Simondac.

“As much as we want to watch the virtual grad, hindi pa rin siya magiging possible dahil bukod sa hindi naman siya maipa-publish, maraming students ang wala pa ring koryente and internet connection due to Typhoon Ulysses. You should consider us kasi event namin iyan. Graduation namin iyan. Kailangan naming ma-witness iyan. Magiging possible lang iyan if you will adjust the viewing,” wika niya sa Facebook.

Alalahanin sa mga kaibiga’t kamag-aral ang namutawi sa bibig ni Miggy Bulario. “Bastos ang ‘walang kuwentang graduation’ na ito kung hindi man lamang iintindihin ang mga mag-aaral na namomroblema kung paano makaaalpas sa sakuna’t pandemya.”

“As much as I want this program to happen, we can’t deny the fact that some of our fellow classmates were greatly affected by the flood and typhoon. We cannot simply celebrate while others are suffering, panalo ng mga estudyante ang graduation na ito, hindi ito basta lamang na programa na isusubo ninyo sa amin, might as well respect the hardships and achievements of the students, kasi tbh nakakabastos ‘yung walang kwentang graduation na toh.”

Natapos na kaninang umaga ang virtual graduation ng Accountancy, Business, and Management Strand at Humanities and Social Sciences Strand. Ngayong ika-2 ng hapon nagaganap ang para sa General Academic, Science, Technology, Engineering and Mathematics, Information and Communications Technology, Home Economics, at Sports Track.

Bukas naman, sa Youtube pa rin, ang para sa mga mag-aaral ng UE Caloocan. Hanggang ngayo’y walang abiso ang pamantasan kung magkakarooon ng replay at hindi rin nila tinutugunan ang panawagan ng mga mag-aaral tungkol sa pangyayaring ito.