UE TEACHER PINAGTUTURO NG SUBJECT NA HINDI NIYA ALAM?
NAGULAT ang isang Filipino Senior High School teacher mula sa University of the East nang malaman niyang magtuturo siya ng Entrepreneurship at Marketing Management simula ngayong Agosto.
Sa eksklusibong panayam ng The Philippine Online Student Tambayan, isiniwalat ng naturang guro na ayaw ipabanggit ang kanyang pangalan para sa kanyang seguridad, na bigla siyang binigyan ng teaching load na unang beses na nga niyang ituturo ay malayong-malayo pa sa kursong kanyang mine-major.
“Simula na ng bagong school year sa UE. Nagulat talaga ako nang sabihan ako ng coordinator namin na magtuturo ako ng Entrep. Ano ‘yun? Filipino major ako, paano ko naman ituturo ang pagnenegosyo at paggawa ng financial statements?” sabi ng guro.
Dagdag pa niya, isang linggo lamang ang course preparation dahil magsisimula na ang regular classes sa SHS sa August 9.
Mayroon namang umanong nakahandang modules at learning plan, pero palagay niya, ‘unfair’ para sa mga mag-aaral na Filipino teacher ang hahawak ng specialized courses.
“Pang-ABM ang Entrep. Pati Marketing. Hindi ako ABM professor,” pahayag ng guro.
Nang tanungin siya sa mga posibleng dahilan, enrollment ang agad niyang ipinaliwanag.
Aniya, sobrang baba ng enrollees ng UE at hindi ito nagko-compensate sa dami ng mga regular at kontraktuwal na guro ng pamantasan.
Marami umano siyang kasamahan sa faculty na hindi na binigyan ng teaching load dahil kaunti lamang ang estudyante, at palagay niya, ito rin ang sanhi ng misalignment ng teaching load.
Sinusubukan lamang ng UE na mabigyan ng full load ang regular faculty members nito para hindi na madagdagan pa ang bilang ng teachers na nawalan ng trabaho ngayong 2021.
“Pero, kahit na ganito, hindi naman yata tamang ipaturo sa teacher ang subject na hindi niya alam,” sabi pa ng guro.
“Gagawin ko na lamang ang lahat para maituro ang ABM specialized subject. Pag-aaralan ko ito nang husto at lalapit na rin sa mga ABM teacher para sama-sama naming magabayan ang mga bata.”
Samantala, iginiit ni UE Manila Basic Education Department Principal Dr. Nieva J. Discipulo na hindi pa pinal ang teaching load para sa unang semestre.
Sinabi niya na sa katunayan, wala pa siyang pinipirmahang anumang dokumento na may kinalaman dito.
“Wala pa po tayong napipirmahan na teaching load sa ngayon,” pahayag ni Discipulo.
“Tama naman ang ginawa ninyo. You check first before publishing something,” dagdag pa ng punong guro.
Tinitiyak ng pamunuan ng UE na mataas na kalidad ng edukasyon ang matatanggap ng mga mag-aaral sa kabila ng mga suliraning kinahaharap ng administrasyon.